Thursday, December 29, 2005

Episode 3: Pustiso

Naisulat ko na to dun sa friendster blog ko pero susulat ko pa rin dito para dumami naman yung episode ng Ultimate Jeepney Experience.

Pagkatapos ng mahaba-habang overnights sa loob ng laboratory dahil sa darating na contest ng Zilog, minabuti ko na umuwi ng hapon para makakuha ng gamit at bumalik sa laboratory para sa isang overnight ulit.

Sumakay ako ng jeep sa Faculty Center para pumunta ng SM North. Mga bandang 3 na ng hapon at nakatirik na ang araw sa taas ng kalangitan. Mga ordinaryong tao muli ang aking mga kasama at sa pagkakataon na ito hindi ako nakaupo sa paborito kong pwesto dun sa may tabi ng labasan. Malapit-lapit ako sa drayber.

Umikot na ang jeep sa UP, nagsakay at nagbaba ng mga pasahero. Nangg makarating kami sa may checkpoint may pumara na isang matandang lalaki. Siguro ang edad nito ay nasa 60 na. Bago ito bumaba kaharap ko ito. Nakakurbata, long sleeves na kulay light blue, black slocks na pantalon, itim na sapatos at may dala pa itong suitcase na kulay dark brown. Ordinaryong ordinaryo ang itsura nito kaya hindi ko na siya tinignan nung bumaba siya ng jeep.

Nang makababa na ang matanda may sumigaw sa may labasan ng jeep "Sandali lang manong!!! Naiwan niya ngipin niya! Mahal din magpagawa niyan."

Ako naman nagulat at napatingin agad dun sa ale na sumigaw. Siguro mga late 30s na yung ale.

"Ngipin? Paano naman niya maiiwan yung ngipin niya?" Tanong ko sa aking sarili.

Tinuro agad ng ale yung sahig ng jeep. May pustiso sa sahig! Hindi lang iyon... may laway pa ito dahil basa ang paligid ng pustiso.

Nabighani ako sa nakita ko. Paano naman mahuhulog yung pustiso ng matanda na hindi niya napapansin? Ibang klase talaga!

Binantayan ko ng mabuti ang mga susunod na mga mangyayari.

Yung ale naghanap ng tissue sa bag niya, habang ginagawa niya iyon umandar ng kaunti ang jeep.

"Manong sandali lang ho!" sigaw ng ale sa jeepney driver at tumigil muli ang jeep.
Wala talagang mahanap na tissue yung babae kaya ang ginawa niya kinuha niya yung pustiso gamit ang kanyang kamay. Walang gloves, panyo o tissue. Purong balat at pustiso na may laway ang magkadikit.

"Hala! Baka kagatin ka niyan!" Nanggulat pa itong drayber na ito, nagulat naman ako.
Kinagulat ko ulit ang ginawa ng ale. At ako'y napasaludo sa ale dahil sa kabaitan na ipinakikita niya. Siyempre sa isipan ko lang ako sumaludo, mukha naman akong loko-loko kung sasaludo ako sa harapan niya.

Bumaba ang ale at sinubukan habulin ang matandang nakaiwan ng pustiso dahil sa medyo may kalayuan na ito. Ngunit hindi niya na ito kayang habulin dahil medyo umaandar-andar na ang jeep. Tumingin ako ulit sa labas at nakita ko na ipinabilin na lang ng ale sa may guard sa checkpoint ang pustiso ng matanda.

Sumakay muli ang ale sa jeep at siya'y nagpunas punas ng kanyang kamay sa kanyang panyo.
Umandar na ang jeep at nakita ko habang palayo na kami na tinatawag nung guard yung nakahulog ng pustiso at narinig niya naman ito. Bumalik yung nakahulog pero hindi ko na nakita kung nakuha niya yung pustiso niya o kung talaga bang sa kanya yung pustiso. Malay mo baka meron natutulog dun banda sa labasan na tao at hindi niya nalaman na nahulog pala ang pustiso niya at ang mga pangyayaring naganap.

Hindi importante kung sino ang nakahulog ng pustiso na yun. Importante ay yung babae na naglakas loob na pulutin ang pustiso para lang ibigay ito sa may ari. Mabait siyang tao, sana marami pang mga tao na katulad niya dito sa mundo.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home