Wednesday, January 11, 2006

Episode 4: Studyante po ako

Umaga pa lang non, maganda ang panahon kung kaya naman maganda ang pakiramdam ko nung araw na iyon.

Sumakay ako ng jeep sa may SM North papuntang UP. Hindi nanaman ako nakaupo sa paborito kong upuan, pero wala akong pakialam dahil maganda ang gising ko sa araw na iyon. Malapit ako sa may drayber at ako ang nagaabot ng mga pamasahe ng mga tao.

Simple lang naman ang magabot. Kuha ka rito, kuha ka ron, kung hindi marinig ng drayber kung saan bababa yung pasahero e di uulitin ko para sa kanya yung sinabi ng pasahero.

Marami na akong naabutan, madalas sa may UP bababa, meron din bababa sa heart center, city hall at philcoa. Meron mga studyante at meron din mga ordinaryong pasahero.

May isang nag-abot sa akin, binayad niya limang piso. Pinakamababa para sa studyante ay anim na piso at para naman sa ordinaryong pasahero seven pesos at fifty centavos. Inisip ko naman na siguro kulang lang yung binayad niya kaya naman nag-abot siya ng limang piso. Inabot ko naman ito at binigay sa drayber.

Tinanong ng drayber kung saan siya bababa dahil galing siyang SM North. Sagot naman nito "Sa may UP, studyante lang po manong."

Hindi ito narinig ng drayber at tinanong niya kung ano yung sinabi ng nagbayad.

"Sa may UP, studyante lang po manong." ulit nito sa drayber.

Hindi ko na ito naulit sa drayber dahil marami agad pumasok na tanong sa isipan ko...

Studyante? Ilan taon ka na ba talaga?

Yung nagbayad mga kasing taon ng tatay ko, at masmatanda pa ata ito!!! Nagtaka talaga ako non...

Si manong drayber naman, tumingin lang sa kanya at hindi na siya pinansin... Malamang dahil sa malaki yung tao na nagsabi non at mukha itong makikipagsuntukan at manggulo sa mga tao sa loob ng jeep, kaya naman minabuti na lang ng drayber na palampasin kaysa naman magkagulo pa sa loob ng jeep.

"Kuya dito na lang po ako!!!" Sabi ng matandang studyante ng makalagpas kami kay oble.

Pagbaba nito sabi ng drayber "Kuya pa tawag mo sa akin e masmukha ka pa nga masmatanda kaysa sa tatay ko. Sinabi mo pa na studyante ka, limang piso nga lang binayad mo, e otso ang studyante papuntang UP. Kita naman sa mukha mo. Mastanggap ko pa nga kung sabihin mo senior citizen ka kaysa sa studyante."

Nagtawanan kami lahat sa loob ng jeep. Sangayon ako sa drayber na masmalapit nga si manong studyante sa pagiging senior kaysa sa pagiging studyante.

Ng makababa ako ng jeep, natatawa pa rin ako sa mga pangyayari... naisip ko na lang nung nagkaron na ako ng tamang pag-iisip na tumigil sa pagtawa na panganib pala yung dala ng manong na iyon sa jeep na sinakyan ko kung sinagot siya ng drayber. Pero wala na akong magagawa, nakakatawa talaga siya...

1 Comments:

Blogger Unknown said...

jeepneys are interesting

10:47 AM  

Post a Comment

<< Home