Tuesday, May 09, 2006

Romualdo Roberto

Sa lahat siguro ng sakay ko sa jeepney, ito na ang sakay na hinding hindi ko malilimutan. Ito ay yung bago palang akong aplikante ng Lakay at matapos ng isang mahabang jogging kasama si Kurt nakatayo na ako sa sakayan ng SM North para umuwi.

Mga bandang alas-nuebe na ng gabi at tahimik na ang lahat dahil kakaunti na lamang ang tao sa loob ng unibersidad. Ngunit meron isang lalaki ang sumigaw at tuluyang winasak ang katahimikan.

Matapos ang matagal na paghihintay, dumating na rin ang jeepney ng SM North. Sakay naman ako at hinayaan na kung sino man ang taong nagsisigaw ng mga panahon na iyon. Pagod na pagod na ako at umuwi at matulog na lang ang gusto kong isipin sa mga panahon na iyon.

Pero sadya siguro itinadhana na hindi ko isipin ang pagod ko. Malapit nang mapuno ang jeep. Nasa gitna ako ng mahabang upuan sa kaliwa ng jeep at bakante ang upuan sa kaliwa ko. Sa harapan ko ay isang ina na may kargang natutulog na sanggol na nakabalot ng kumot.

Bigla na lang may sumabit at nagsabi "Driver let's go. I am here."

Nagulat ako. Sino ba namang tao ang magsasabi sa drayber ng jeepney ng ganon. Hinayaan ko na lamang siya.

Sinambit niya muli. "Driver let's go. I am here."

Tumingin na ang drayber at nagtanong kung ano ang sinasabi ng sumabit.

Sagot ng sumabit "May bata. Alis na tayo."

Hindi pa rin ito naintindihan ng drayber at muli siyang nagtanong.

Sagot muli ng sumabit "Natutulog ang bata, alis na tayo."

Nagtaka ang drayber kung ano ang pinagsasabi nito kung kaya naghintay na lamang siya ng iba pang pasahero dahil hindi pa naman puno ang jeep.

Sa bandang kanan ng jeep sa may pinto isang lalaki at isang babae ang naka-upo. Tahimik silang naka-upo at walang kamalay-malay sa darating na sitwasyon.

"Boy, ligawan mo na siya, mamaya makawala pa sa iyo yan." Sabi ng sumabit sa lalaki.

ANO?!?!? Tama ba ang narinig ko? Tumawa na lang ako sa aking pag-iisip. Doon ko lang napatunayan na may tama ang ulo ng sumabit.

"Ang pangalan ko ay Romualdo Roberto (gumawa na lamang ako ng bagong pangalan dahil nakalimutan ko na ang pangalan na sinabi niya) isa rin po akong kamag-aral katulad ng karamihan sa inyo at ngayon nabubuhay sa patuloy na marahas na sitwasyon dito sa mundo."

Kamag-aral na katulad ko?!?!?!? Kung titingnan mo si Roberto ng panahong iyon, hindi siya mukhang nag-aaral tulad ko. Mukha siyang masmatanda pa sa tatay ko.

"

Sunday, January 15, 2006

Episode 5: Salamat Fernando

Hindi ko inaasahan na darating ang panahon na pasasalamatan ko ang MMDA Chairman na si Bayani Fernando dahil sa paggawa niya sa U-Turn Scheme na ipinatupad sa mga kalsada ng Metro Manila.

Nagsimula ang pangyayaring iyon noong nakaraan na semestre. Sumakay ako sa Faculty Center ng mga bandang ala-sais ng hapon at ako'y nakapwesto sa may harapan, yung malapit sa labasan.

Ito naman katabi ko na malapit sa drayber, animong binayaran niya ang isa at kalahati ng aming upuan at kalahati na lang ng pwet ko ang nakasayad sa upuan.

Wala naman akong problema sa mga ganitong klaseng upo, medyo nasanay na rin ako sa dami ko ng sakay sa mga jeepney. Pero iba ito dahil sa aming upuan.

Yung upuan ay yung klase na pataas yung sa gilid. Bali ang gitna ng pwet ko ay parang tinutusok ng pataas na pwesto ng upuan at masasabi ko sa inyo na hindi ito kanais-nais na pakiramdam.

Lahat ng sakit at hapdi ay lubusan kong inangkin para lang sa uwi kong ito.

Nang makarating na ang jeep sa may university avenue, binilisan na ito ng drayber. Ako naman sa hirap ng upo e nakahawak sa gilid para maisuporta ko ang aking sarili. Ang katabi ko naman, relax na relax lang sa pagkakaupo. Ni hindi man lang siya humahawak sa mga sulok ng jeep. Akala mo kung sinong hari at ang buong kapwetan niya ang nakaupo.

Malapit na ang jeep sa may commonwealth. Noong wala pa ang U-turn scheme diretso lang ang mga jeep tumatawid sa commonwealth at kapag nakarating na sa kabila ay liliko pakaliwa patungong philcoa. Pero sa mga panahong iyon meron na, kaya kinailangan ng jeep na lumiko sa kanan at maghanap ng lagusan para makapagU-turn sa commonwealth.

Mabilis na lumiko pakanan ang jeep.

Bali kung hindi ka nakahawak ang tapon mo ay patungo sa drayber kung nakaupo ka sa harapan due to the centrifugal force. Buti na lang nakahawak ako. Yung katabi ko naman nagulat sa mga pangyayari, naghanap ito kaagad ng makakapitan dahil siya ay tumitilapon patungo sa drayber, pero wala itong makapitan. Mukha talaga siyang tanga sa kaunting sandali na iyon, ang dalawang kamay niya nakataas at ang kanang paa niya tumaas rin at nasipa pa ako nito. Pero wala naman problema sa akin kung nasipa niya ako dahil ang mukha niya ay tuluyang tumama sa balikat ng drayber. Sino siya ngayon?

Ako naman, hindi lang dapat ngiti ang makuha ko sa pagkakataon na ito. Kailangan ko makuha ang dapat sa akin, ang apat na piso ko kailangan maisulit. Kinabig ko agad ang pwet ko patungo sa gitna ng upuan. Ako naman ngayon ang nakaupo ng maayos.

Nang inayos niya ang upo niya, napansin niya na maliit na ang kanyang upuan at tumingin pa nga ito sa akin. Dedma lang akong nakatingin sa daan na para bang walang nangyari. Akala mo kung sino siya, pareparehas lang naman kami studyante ng UP at pareparehas lang kami nagbabayad.

Sinabi ko sa aking sarili "Pakiramdaman mo ngayon ang sakit at hapdi na dinaranas ko dahil lang sa kasakiman ng pwet mong makaupo ng maayos. Akala mo kung sino ka? Sino ka ngayon at ang kapwetan ko ang naghahari sa espasyo ng upuan natin."

Bago magtapos itong entry na ito gusto kong pasalamatan ang aking bayani mula sa pwet ng masamang hari. Bayani Fernando, isa kang tunay na bayani para sa pwet ko. Maraming salamat.

Wednesday, January 11, 2006

Episode 4: Studyante po ako

Umaga pa lang non, maganda ang panahon kung kaya naman maganda ang pakiramdam ko nung araw na iyon.

Sumakay ako ng jeep sa may SM North papuntang UP. Hindi nanaman ako nakaupo sa paborito kong upuan, pero wala akong pakialam dahil maganda ang gising ko sa araw na iyon. Malapit ako sa may drayber at ako ang nagaabot ng mga pamasahe ng mga tao.

Simple lang naman ang magabot. Kuha ka rito, kuha ka ron, kung hindi marinig ng drayber kung saan bababa yung pasahero e di uulitin ko para sa kanya yung sinabi ng pasahero.

Marami na akong naabutan, madalas sa may UP bababa, meron din bababa sa heart center, city hall at philcoa. Meron mga studyante at meron din mga ordinaryong pasahero.

May isang nag-abot sa akin, binayad niya limang piso. Pinakamababa para sa studyante ay anim na piso at para naman sa ordinaryong pasahero seven pesos at fifty centavos. Inisip ko naman na siguro kulang lang yung binayad niya kaya naman nag-abot siya ng limang piso. Inabot ko naman ito at binigay sa drayber.

Tinanong ng drayber kung saan siya bababa dahil galing siyang SM North. Sagot naman nito "Sa may UP, studyante lang po manong."

Hindi ito narinig ng drayber at tinanong niya kung ano yung sinabi ng nagbayad.

"Sa may UP, studyante lang po manong." ulit nito sa drayber.

Hindi ko na ito naulit sa drayber dahil marami agad pumasok na tanong sa isipan ko...

Studyante? Ilan taon ka na ba talaga?

Yung nagbayad mga kasing taon ng tatay ko, at masmatanda pa ata ito!!! Nagtaka talaga ako non...

Si manong drayber naman, tumingin lang sa kanya at hindi na siya pinansin... Malamang dahil sa malaki yung tao na nagsabi non at mukha itong makikipagsuntukan at manggulo sa mga tao sa loob ng jeep, kaya naman minabuti na lang ng drayber na palampasin kaysa naman magkagulo pa sa loob ng jeep.

"Kuya dito na lang po ako!!!" Sabi ng matandang studyante ng makalagpas kami kay oble.

Pagbaba nito sabi ng drayber "Kuya pa tawag mo sa akin e masmukha ka pa nga masmatanda kaysa sa tatay ko. Sinabi mo pa na studyante ka, limang piso nga lang binayad mo, e otso ang studyante papuntang UP. Kita naman sa mukha mo. Mastanggap ko pa nga kung sabihin mo senior citizen ka kaysa sa studyante."

Nagtawanan kami lahat sa loob ng jeep. Sangayon ako sa drayber na masmalapit nga si manong studyante sa pagiging senior kaysa sa pagiging studyante.

Ng makababa ako ng jeep, natatawa pa rin ako sa mga pangyayari... naisip ko na lang nung nagkaron na ako ng tamang pag-iisip na tumigil sa pagtawa na panganib pala yung dala ng manong na iyon sa jeep na sinakyan ko kung sinagot siya ng drayber. Pero wala na akong magagawa, nakakatawa talaga siya...

Thursday, December 29, 2005

Episode 3: Pustiso

Naisulat ko na to dun sa friendster blog ko pero susulat ko pa rin dito para dumami naman yung episode ng Ultimate Jeepney Experience.

Pagkatapos ng mahaba-habang overnights sa loob ng laboratory dahil sa darating na contest ng Zilog, minabuti ko na umuwi ng hapon para makakuha ng gamit at bumalik sa laboratory para sa isang overnight ulit.

Sumakay ako ng jeep sa Faculty Center para pumunta ng SM North. Mga bandang 3 na ng hapon at nakatirik na ang araw sa taas ng kalangitan. Mga ordinaryong tao muli ang aking mga kasama at sa pagkakataon na ito hindi ako nakaupo sa paborito kong pwesto dun sa may tabi ng labasan. Malapit-lapit ako sa drayber.

Umikot na ang jeep sa UP, nagsakay at nagbaba ng mga pasahero. Nangg makarating kami sa may checkpoint may pumara na isang matandang lalaki. Siguro ang edad nito ay nasa 60 na. Bago ito bumaba kaharap ko ito. Nakakurbata, long sleeves na kulay light blue, black slocks na pantalon, itim na sapatos at may dala pa itong suitcase na kulay dark brown. Ordinaryong ordinaryo ang itsura nito kaya hindi ko na siya tinignan nung bumaba siya ng jeep.

Nang makababa na ang matanda may sumigaw sa may labasan ng jeep "Sandali lang manong!!! Naiwan niya ngipin niya! Mahal din magpagawa niyan."

Ako naman nagulat at napatingin agad dun sa ale na sumigaw. Siguro mga late 30s na yung ale.

"Ngipin? Paano naman niya maiiwan yung ngipin niya?" Tanong ko sa aking sarili.

Tinuro agad ng ale yung sahig ng jeep. May pustiso sa sahig! Hindi lang iyon... may laway pa ito dahil basa ang paligid ng pustiso.

Nabighani ako sa nakita ko. Paano naman mahuhulog yung pustiso ng matanda na hindi niya napapansin? Ibang klase talaga!

Binantayan ko ng mabuti ang mga susunod na mga mangyayari.

Yung ale naghanap ng tissue sa bag niya, habang ginagawa niya iyon umandar ng kaunti ang jeep.

"Manong sandali lang ho!" sigaw ng ale sa jeepney driver at tumigil muli ang jeep.
Wala talagang mahanap na tissue yung babae kaya ang ginawa niya kinuha niya yung pustiso gamit ang kanyang kamay. Walang gloves, panyo o tissue. Purong balat at pustiso na may laway ang magkadikit.

"Hala! Baka kagatin ka niyan!" Nanggulat pa itong drayber na ito, nagulat naman ako.
Kinagulat ko ulit ang ginawa ng ale. At ako'y napasaludo sa ale dahil sa kabaitan na ipinakikita niya. Siyempre sa isipan ko lang ako sumaludo, mukha naman akong loko-loko kung sasaludo ako sa harapan niya.

Bumaba ang ale at sinubukan habulin ang matandang nakaiwan ng pustiso dahil sa medyo may kalayuan na ito. Ngunit hindi niya na ito kayang habulin dahil medyo umaandar-andar na ang jeep. Tumingin ako ulit sa labas at nakita ko na ipinabilin na lang ng ale sa may guard sa checkpoint ang pustiso ng matanda.

Sumakay muli ang ale sa jeep at siya'y nagpunas punas ng kanyang kamay sa kanyang panyo.
Umandar na ang jeep at nakita ko habang palayo na kami na tinatawag nung guard yung nakahulog ng pustiso at narinig niya naman ito. Bumalik yung nakahulog pero hindi ko na nakita kung nakuha niya yung pustiso niya o kung talaga bang sa kanya yung pustiso. Malay mo baka meron natutulog dun banda sa labasan na tao at hindi niya nalaman na nahulog pala ang pustiso niya at ang mga pangyayaring naganap.

Hindi importante kung sino ang nakahulog ng pustiso na yun. Importante ay yung babae na naglakas loob na pulutin ang pustiso para lang ibigay ito sa may ari. Mabait siyang tao, sana marami pang mga tao na katulad niya dito sa mundo.

Tuesday, December 27, 2005

Episode 2: Jacket vs Payong

Umaga ulit at papunta pa lang ako sa UP. Umuulan ng araw na iyon at dahil sa wala akong mahanap na payong na maliit sa bahay minabuti kong kunin yung payong na malaki, yung may hawakan na parang hook at mahaba ito habang nakatiklop.

Sumakay ako ng jeep, dun ulit sa paborito kong upuan, sa may tabi ng pasukan. Ordinaryong mga pasahero ang mga nasa loob. Medyo siksikan dahil pinuno kami nung dispatcher.

Tuloy tuloy lang ang jeep, may mga pasaherong bumaba at sumakay dun sa ruta na dinadaanan nito.

Pagdating sa UP, dito na kami ng mga estudyante magsisibabaan.

Unang madalas na babaan ng mga studyante ay ang checkpoint na malapit kay oble.

Pumara ang isang studyante at nagsibabaan na ang mga tao na bababa rito. Una babae. Sunod lalaki. Lahat sila naka-jacket. Ako naman inggit dahil buti pa sila wala silang dala sa kanilang kamay dahil naka-jacket sila at malamang meron maliit na payong dala ang mga ito sa kanilang bag, samantalang ako itong malaking payong na kay hirap dalhin...

Sa aking pagmumuni-muni hindi ko napansin na ang huling bababang lalaki ang bulsa ng jacket ay sumabit sa hook ng payong ko. Lagot! nasa dulo pa man din ako na upuan at sa pagbaba ng lalaking ito unti-unting umandar ang jeepney.

Nag-isip ako agad. Hindi ko na magawang parahin ang jeep dahil hindi ito pumasok sa aking isipan. Naisip ko na itulak papunta sa lalaki ang payong ko at baka bumitaw ang hook ng payong ko sa jacket niya.

Ginawa ko ito agad. Ngunit tinapakan na nang husto ng drayber ang accelerator. Lagot na talaga! Hindi na nagawang bumitaw ng payong ko sa jacket ng lalaki. At unti-unti nahahatak na yung lalaki habang umaandar yung jeep.

Hindi ko na magawang bitawan ang payong ko dahil ako ay nataranta na.

Sa dulo, napunit yung parte ng jacket niya kung saan sumabit ang payong ko.

Sigaw ako sa kanya “SORRY!!!” Tapos tago agad sa may gilid ng jeep para hindi niya ako matandaan.

Sa isip ko, masmabuti ng napunit ang jacket niya kaysa naman sa nakaladkad ko pa yung lalaki sa daan. Maslagot ata ako dun.

Tuloy-tuloy lang ang jeep at buti hindi napansin ng drayber ang mga pangyayari. Ngunit pagtingin ko sa mga taong nakasakay ng jeep lahat pala ay nakatingin sa akin. Hiyang-hiya tuloy ako.

Hinintay ko na lang makarating yung jeep sa may Faculty Center upang makababa na lang ako. Pero yung hintay na yun ay parang sobrang tagal dahil sa kaba at hiya na dinaranas ko.

Pagbaba ay lakad ako agad ng mabilis para hindi na ako makita ng mga tao sa jeep.

Natutunan sa araw na iyon:
Wag na wag na magdala ng payong hindi kasya sa bag at maslalong wag na magdala ng payong may hook dahil ito ay sumasabit kung saan-saan.

Masmatibay ang dala kong payong kaysa sa jacket niya. Japeyks ata yung jacket niya, payong ko may tatak. hehehehe!!!

Episode 1: Bakla vs Bading

Isang ordinaryong umaga, medyo makulimlim at hindi naman kainitan ang araw noon. Papasok pa lang ako at katulad ng aking ginagawa araw-araw sumasakay ako ng jeepney galing SM north papuntang UP.

Pagsakay ko, nakita ko na libre yung upuan sa gilid ng pasukan. Upo naman ako dun. Ito ang pwesto na gusto ko pagsumasakay ng jeep para mabilis ang pagbaba.

Tumingin ako sa paligid, babae, lalaki at mga 10 bakla na maingay ang nasa loob. Sabi ko sa sarili ko "Ang aga-aga bakit ito pa ang unang babati sa araw ko?"

Iba sa mga ito mga payat at iba sa mga ito yung mga parang maton na katatakutan talaga ng lalaking katulad ko kung hinawakan ako... Technique, wag na wag kang titingin sa mga mata nito para hindi ka mapagtripan.

Marami na ang nagdaan na pangyayari sa buhay ko na hindi maganda sa uri ng pangatlong kasarian na ito, kaya medyo asar ako sa mga ito. Makulit na mga kaibigan, mahirap na kaaway.

Umandar na ang jeep at tuloy-tuloy ang tsikahan at hambalusan nila. Maingay at unti-unti nito sinisira ang magandang araw ko habang tahimik akong nakatingin sa labas.

Nung malapit na kami kay oble, pinakinggan ko na ang usapan nila. May isa daw silang kaibigan, bakla rin, ang lumalandi sa isang lalaki.

Sabi ng isa "Hoy bakla! Bakit hindi mo na lang gayahin yung kaibigan natin, makipaglandian ka na rin sa isang gwapong lalaki para di ka na malungkot katulad ng ganyan."

Sagot ng isa "Wala akong laban sa kanya, bading kasi yun."

Sagot naman ng isa pa "Hindi kaya! Bakla yun!"

Sagutang ang mga ito na bakla ba o bading yung kaibigan nila.

Ako naman sa aking isipan "Bakla bading parehas lang naman yun... May pinagkaiba ba iyon?" Nagtataka talaga ako... gusto ko malaman sa mga oras na iyon kung meron nga bang pagkaka-iba ang dalawang ito.

Buti na lang may isa silang kasamahan na bakla rin na hindi nakakaalam kung ano ang pinagkaiba ng mga ito at ito ay nagtanong kung ano nga ba.

"Bakla o bading... Ano bang pinagkaiba ng mga iyon? Hindi ko kasi alam misis."

"Hoy bakla! Wag na wag mo akong matawag na misis dahil kitang-kita naman na sexy pa ako."

"Hoy bading! Aminin mo na, kahit ganyan itsura mukha kang nanganak na."

"Loka! Kailangan bang pag-awayan ang itsura ko.... blah, blah, tsenes, tsenes, tsika! (Hindi ko maintindihan bakla kasi yung salita e.)"

Akala ko masasagot na ang tanong, pero mukhang lumalayo pa ang usapan.

Mga ilang segundo lang may nagsalita sa kanila...

"Hoy mga bakla at bading! Lumalayo tayo sa tanong... sagutin niyo na kung ano ang pinagkaiba ng bakla at bading."

"Yung bading, yun yung mga homosexual na mukhang tao... mukhang babae kung nagsusuot ng pambabae, katulad ko... Bading na bading! Tsenes!!!"

Sa isip ko "Tigilan mo nga ako... babae ka diyan... masmukha ka pa ngang lalaki kaysa sa gym instructor ko."

"Ano naman yung bakla?" Tanong ng isa pang bakla. (Iba ito sa naunang nagtanong. Pati rin pala sila mga walang alam sa usapang ito.)

Sagot muli nung isa "Yung bakla, yun naman yung mga homosexual na mukhang kabayo. Katulad nitong katabi ko.... blah, blah, tsenes, tsenes! (Hirap talaga intindihin.) Sabi sa iyo bakla yung kaibigan natin."

"Hindi no! Bading siya, tingnan mo naman yung katawan parang coke..."

"Hindi kaya! Bakla siya, wala naman sa katawan ang pinagbabasihan ng pagka-bakla o pagka-bading niya... sa mukha!"

Nagaway-away at bangayan ulit itong mga bakla at bading na ito. Ingay!!!

May sumagot na isa... "Bakit hindi na lang natin pag-usapan ang pagkabakla mo kung hindi natin mapagdesisyonan kung ano yung kaibigan natin..."

Napangiti ako sa sinabi ng bakla. Hindi talaga maiwasan ang magsagutan ang mga ito.

Dumating na pala sa Faculty Center ang jeep at pinara ko na ito at bumaba. Yun pa rin ang usapan nila... ang pagkabakla ng isa nilang kasama sa jeep...

Sa isip ko hindi rin pala masama makinig sa mga ito dahil nadagdagan ang kaalaman ko sa ikatlong kasarian.

Kung kayo ay nag-iisip kung anong klaseng mga homosexual ang nasa loob ng jeep nung araw na iyon. Lahat sila ay bakla...